Mananatiling epektibo ang liquor ban sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, ipatutupad pa rin ang liquor ban kahit na nakasailalim na ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ).
Banta ng alkalde, ipasasara ang tindahan sinumang lumabag sa nasabing batas.
“Sa mga convenience store na nagtitinda ng alak, kapag nagtinda kayo ng alak na pansamantala naming pinagbabawal dahil yan ay pribilehiyo lang na ibinigay sa inyo at vinaviolate ninyo ito, isasara po namin kayo,” pahayag ni Moreno.
Paalala nito, magiging mahigpit sila sa pagpapatupad nito.
Sinabi pa nito na hindi ang nakalalasing na inuman ang kailangan sa panahon ng pandemiya.
“Hindi natin kailangan ngayon yan. Ang kailangan natin pagkakaisa, payapa’t panatag na komunidad,” aniya pa.
Umapela naman si Moreno ng pang-unawa sa mga residente ng Maynila.
“Sana po maunawaan niyo po ako, tutal bisyo lang naman ito, ang hinihingi ko lang naman ay pansamantala. Itong mga salapi na ito na binibigay na ayuda eh yan po ay para meron kayong pambili ng pagkain,” dagdag ng alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.