Campaign Watch:Poe, Binay at Duterte sa probinsya, habang si Roxas sa MM

 

Walang patid ang panunuyo ng mga presidentiables sa mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas para hingin ang kanilang matamis na boto at suporta.

Kaniya-kaniyang lugar na pinupuntahan ang mga kandidato sa pagka-pangulo.

Lahat sa kanila, ang pakay ay iparating sa mga botante kung ano ang mga dahilan kung bakit sila ang dapat iboto.

Bagaman balwarte ng kaniyang kalaban, sinubukan pa rin ni presidential aspirant at Sen. Grace Poe ang kaniyang swerte sa Roxas City kasama ang buong Partido Galing at Puso (PGP).

Naging mainit ang pag-tanggap at pag-salubong sa kaniya ng mga taga-suporta niya, bagaman nahirapan ang tambalang Poe at Sen. Chiz Escudero dahil sa umano’y pagharang sa kanila ng isang paaralan para makapangampanya sa mga estudyante doon.

Samantala, tumuloy naman sa Bacolod City si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa kabila ng banta sa kaniyang buhay at seguridad.

May ulat na nakatanggap ng banta sa buhay si Duterte, at nakipag-ugnayan pa ang kaniyang chief secuirty sa Bacolod City Police dahil namataan umano ang isang hitman na sinasabing binayaran ng isang druglord sa Iloilo City.

Tumungo si Duterte kay Bacolod Bishop Vicente Navarra para sa isang courtesy call bago mangampanya, at humingi na rin ng tawad sa pagmumura kay Pope Francis noon.

Si Vice President Jejomar Binay naman ay tumungo sa Pangasinan, kasama ang mga pambato ng kaniyang partidong United Nationalist Alliance (UNA), ngunit hindi niya kasama ang kaniyang ka-tandem na si Sen. Gringo Honasan.

Nag-ikot si Binay sa Pangasinan sa pag-asang masuyo ang lalawigang kabilang sa mga lugar na pinaka-hitik sa mga botante dahil sa 1.7 million voters na nakatira doon.

Kung sa mga probinsya sina Poe, Binay at Duterte, rumonda naman sa Quezon City ang tambalang Mar Roxas at Rep. Leni Robredo kasama ang ibang mga pambato ng Liberal Party (LP).

Pinuntahan rin nila ang mga pinuno ng mga distrito ng Quezon City at iba pang mga matataas na opisyal sa lungsod sa Quezon Memorial Circle.

Hindi naman namataan si Sen. Miriam Defensor Santiago sa pag-iikot ng kaniyang vice presidential candidate na si Sen. Bongbong Marcos sa Pasig City.

Read more...