Rematch nina Pacquiao-Mayweather posible

 

Inquirer file photo

Kahit nakatakda nang magretiro pagkatapos ng kanyang laban kay Timothy Bradley sa Abril, tila nagbago ang isip ni pambansang kamao Manny Pacquiao at sinabing hindi pa niya inaalis ang posibilidad na magkaroon ng ‘comeback fight’ sa hinaharap.

Sa pagharap nito sa mga mamamahayag matapos ang training session sa General Santos, sinabi ni Pacquiao na hindi pa rin niya lubusang inaalis ang posiblidad na magbalik muli sa ring dahil sa sobra niyang minahal ang boxing.

Dahil sa pahayag nito, muling nagbukas ang pinto sa posibilidad ng ‘rematch’ sa pagitan ni Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.,

Matatandaang ang bakbakan ng dalawa ay kumita ng 4.5 milyong pay-per-views at $600 milyong gross revenue.

Kamakailan lamang , sinabi ni Pacquiao na pagkatapos ng kanyang laban kay Bradley, ay magreretiro na ito at tututok muna sa karera sa pulitika.

Tumatakbo si Pacquiao sa pagka-senador sa nalalapit na eleksyon.

Gayunman, nitong nakalipas na araw, umani ng batikos ang pambansang kamao dahil sa ‘mas masahol pa sa hayop’ comment nito sa pagtatalik ng lalake sa lalake at babae sa babae.

Dahil sa kanyang pahayag, nagalit ang LGBT community at maraming gay at lesbian groups ang nagsabing hindi iboboto ang pambansang kamao sa nalalapit na eleksyon.

Agad namang humingi ng paumanhin si Pacquiao sa mga naapektuhan ng kanyang pahayag.

Read more...