Municipal treasurer at 3 iba pa patay sa pagsabog ng IED sa Maguindanao

 

Patay ang isang municipal treasurer at tatlo nitong mga kasamahan matapos masabugan ng improvised explosive device (IED) sa probinsya ng Maguindanao.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ken-Ken Macabangen, municipal treasurer sa bayan ng Datu Salibo, anak na si Saima Macabangen, 5 yo, kamag-anak na sina Alex Ganoy at Caloy Macabangen.

Malubha naman nasugatan sina Agabai Macabangen at Benzar Macabangen, mga residente ng Barangay Poblacion, Datu Salibo, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao PNP Provincial Director S/Supt. Nickson Muksan, lulan ang mga biktima sa sasakyan na may plakang RDX-928 mula sa Cotabato City pauwi ng kanilang tahanan pero pagsapit sa Brgy. Lower, Salbo Datu Saudi, Ampatuan, Maguindanao, bigla na lamang sumabog ang isang bomba na gawa sa bala ng 81 mm mortar.

Dahil sa lakas ng pagsabog ay apat ang binawian ng buhay at dalawa ang malubhang nasugatan na dinala agad sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City.

Bago ang pagsabog, binalaan na ng mga otoridad ang mga biktima na huwag nang tumuloy dahil mainit ang sitwasyon sa bayan ng Datu Salibo bunsod ng kalat-kalat na sagupaan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Read more...