Pacquiao, nanindigan na hindi ipagpapalit ang pananampalataya sa boto

 

Muling humingi ng paumanhin si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa mga naapektuhan ng kanyang pahayag kamakailan kung saan naikumpara niya sa hayop ang mga ginagawang sekswal ng mga lesbians, gays bisexuals at transgenders.

Gayunman, hindi pa rin ito natinag sa kanyang paninindigan na hindi kaaya-aya sa mata ng Diyos ang pakikipagtalik sa kapwa lalaki o babae.

Ito aniya ay matuturing na insulto sa mata ng Diyos kaya’t hindi ito dapat kinukunsinti.

Hindi naman apektado si Pacquiao sa posibilidad na maapektuhan ang kanyang mga boto mula sa LGBT community sa kanyang paninidigan sa isyu.

Giit ni Pacquiao, hindi niya maaaring baguhin ang kanyang paninindigan at pananampalataya kapalit ng boto.

“Alam n’yo po I don’t want to compromise my faith because I want salvation to my life. I don’t want to compromise na yung mali papanigan ko para iboto ako,” paliwanag ni Pacquiao.

Samantala, sa kabila ng kaliwa’t-kanang banat na inabot ng kanilang senatoriable na si Rep. Manny Pacquiao, tiwala ang United Nationalist Alliance o UNA na hindi apektado ang kanilang partido dito.

Ayon kay UNA spokesperson Mon Ilagan, humingi na naman ng paumanhin si Pacquiao hinggil sa naturang isyu at nilinaw na ang kanyang pahayag.

Klaro na aniya na hindi ang LGBT community ang binatikos ni Cong. Pacquiao sa kanyang pahayag kung hindi ang aktong pakikipagtalik ng mga ito sa kanilang kapareho nila ng kasarian.

Si Pacquiao aniya ay isang born-again Christian, mangangaral at isang charismatic leader kaya’t naging ganito ang tindig ng mambabatas sa naturang isyu.

Read more...