Pinasalamatan naman agad ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga kapwa senador na sinuportahan ang Senate Bill No. 1541 at agad itong ipinasa bago ang sine die adjournment ng Kongreso.
Kapag naging batas, magkakaroon na ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa at kalihim ng Department of Education o DepEd na ipagpaliban ang school opening kapag malaking isyu pa rin ang COVID-19 sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Una nang inanunsiyo ng DepEd ang pagsisimula muli ng mga klase sa Agosto 24.
Base sa umiiral na Republic Act 7797, ang pagbubukas ng mga klase sa bansa ay dapat isagawa sa unang araw ng Lunes ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto.
“Natutuwa po ako at nakapasa na sa senado ang panukalang batas na ito. Mahalaga ang pagpasok sa eskuwelahan ng mga bata, pero higit na mahalaga ang kanilang kaligtasan at kalusugan. Kaya bigyan po natin ng pagpapasya ang Pangulo ng Pilipinas at ang Kalihim ng Edukasyon upang baguhin ang petsa ng pasukan sa panahon ng pandemya habang walang kasiguraduhan sa kaligtasan at kalusugan ng kabataang Pilipino,” ayon sa senador.
Ang Senate Bill 1541 ay pinag-isang panukala nina Sens. Joel Villanueva, Francis Tolentino, at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.