“Survivor Metro Manila: Matira, Matibay!” – WAG KANG PIKON! ni Jake J. Maderazo

By Jake J. Maderazo May 31, 2020 - 11:38 PM

Bahala na si Batman at kanya-kanya na ang laban. Ito ang sumisiklab na diskusyon sa social media matapos ipatupad ang General Community Quarantine (GCQ) ngayon dito sa Metro Manila. Paano tayo makakatiyak na ang makakasabay natin sa commute, sa trabaho, sa kinakainan at pabalik ng bahay ay hindi mga “carrier” ng COVID-19?

Nitong huling tatlong araw, nagrehistro tayo ng biggest one day increase na 539 sinundan ng pinakamalaking 1,046 at at malaki ring 590 confirmed cases ng COVID-19 at sa kabuuan, pumapalo na tayo sa 17,224. Paanong hindi ka naman nenerbyusin? Karamihan sa nagpositibo ay tagarito sa Metro Manila at sa nakaraang apat na araw, umaabot sa 1,356 ang naitala dito.

Kaya naman, marami ang nangangamba kung bakit nagkaluwagan at ibinaba tayo sa GCQ pagkatapos ay napakarami pang mga “infected” sa ating paligid. Parang walang katiyakan ang sitwasyon at bahala na si Batman at hindi ka sana tamaan.

Pero, sinadya ba ito ng pamahalaan? Bakit tumaas ang mga kaso pagkatapos ay luluwagan ang ating patakaran?

Kung Department of health ang tatanungin, ang pagtaas ng bilang ng mga COVID 19 patients ay artipisyal lamang at ito’y dahil sa nililinis nilang “backlog” ng mga naunang mga kinunan ng PCR-RT tests.

Ayon kay USEC Maria Rosario Vergeire, noong Biyernes ng gabi Mayo 29, kung saan merong 1,046 na confirmed cases, 1,000 doon ay “backlog cases” at 46 lamang ang “fresh” o bago. Ibig sabihin, mas bumababa ang mga bagong kaso mula 109 cases, noong Huwebes, ito’y bumaba pa sa 46. Naitala kasi ang 539 confirmed cases noong Huwebes, Mayo 28 at dito ang fresh cases ay 109 at ang backlog cases ay 430.

Noong Sabado, Mayo 30, sinundan tayo ng 590 cases, at ang paliwanag ng DOH, ang mga bagong kaso ay 252 lamang at ang mga backlog cases ay 338. Ayon pa kay Vergeire, kahit lumampas na tayo sa 17,000 cases, hindi raw ito nangangahulugan na lumalala ang sitwasyon bagkus, nagiging agresibo ngayon ang “automated system” ng DOH.

Idinagdag pa ng DOH na karamihan o 90 percent ng active cases ng COVID-19 ay “mild” lamang at 18 kaso ang kritikal at 56 ang “severe cases”.

Kung susuriin, ang pahayag ng DOH ay indikasyon na talagnag bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Isipin niyo kahit na ang mga senior citizens na sina DEPED sec. Leonor Briones at si DILG Sec. Eduardo Ano na tinamaan ay naka-recover. Pero, madaling sabihin ito, at mahirap kung tayo na ang matsambahan at mahawaan. Talagang ibayo pa rin ang talaga ang pag-iingat.

Pero, kung hindi tayo naniniwala sa sinasabi ng gobyerno, posible na talaga dapat wakasan ang MECQ dahil lumalala na ang ating sitwasyong pang-ekonmya. Napakarami nang walang trabaho at kabuhayan.. Maraming negosyante ang nawalan ng hanapbuhay. Public transportation, Pabrika, Turismo, entertainment,mga eskwelahan, sports, sabong, karera, casino, advertising, personal services, shopping malls ,mga restaurant businesses at pati “underground economy” ay talagang lumagapak ng husto. Lalo na ang mga nag-uwian nating higit 300,000 mga OFWS mula sa abroad.

Kaya naman, kailangan na nating bumalik sa kalakaran ng lipunan, maging ito’y “new normal” o dating gawi para sa ating kanya-kanyang kabuhayan.

Pero sabi nga, kailangan nating mabuhay kahit nandyan ang COVID-19 dahil baka mamatay naman kami sa gutom.

Bahala na ka na, Lord! Tulungan Mo kaming lahat na makaraos dito sa ating pandemya at bagsak na ekonomya.

TAGS: areas under GCQ, column, COVID-19 cases, COVID-19 Inquirer, doh, Inquirer column, latest on COVID-19, Radyo Inquirer column, areas under GCQ, column, COVID-19 cases, COVID-19 Inquirer, doh, Inquirer column, latest on COVID-19, Radyo Inquirer column

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.