Bilang ng stranded na OFW abroad, halos 100,000 – DOLE
Halos 100,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang stranded sa iba’t ibang bansa at teritoryo, ayon sa Department of Labor and Employment DOLE).
Batay sa ulat ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) sa 40 foreign posts, nakapagtala ang DOLE command center sa Maynila ng kabuuang 98,615 stranded workers hanggang May 29.
Sa nasabing bilang, 83,483 OFWs ay nasa Middle East habang 12,050 sa Europe at American region at 3,082 sa malalapit na Asian countries.
Sinabi ng kagawaran na ang ilang OFW ay apektado ng lockdown habang ang ibang distressed OFW na nais ma-repatriate ay hindi makauwi dahil wala pang commercial flights.
Karamihan sa mga OFW sa Middle East ay land-based kung saan nasa 83,380 ang bilang habang sa Europe-Americas ay halos sea-based workers na umabot sa 11,372.
2,110 naman ang land-based OFWs sa Asian countries.
Ayon pa sa DOLE, sa bilang ng mga stranded na OFW, 19,631 ang may hindi pa tapos na kontrata o distressed na kailangan ng repatriation sa mga susunod na linggo.
11,505 rito ay mula Middle East habang 6,500 naman sa Europe at Americas.
Sa ngayon, nakapagtala ang POLOs ng 36,625 OFW repatriation simula nang magkaroon ng global pandemic sa COVID-19.
Iniulat naman ng DOLE command center na humigit-kumulang 24,000 OFWs ang nanatili sa mga quarantine facilities kung saan nakatakda nang maibiyahe patungo sa kani-kanilang probinsya.
Hanggang Linggo ng hapon, May 31, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na 23,472 OFWs na ang ligtas na nakauwi sa kani-kanilang pamilya.
Nasa 538 workers naman ang naghihintay pa ng clearance.
Umabot na sa mahigit P700 milyon ang nailaang pondo ng OWWA para sa repatriation, transport, accommodation at pagkain ng mahigit 30,000 returning OFWs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.