PNP: Walang operational lapses sa naganap na ambush sa mga pulis sa Cagayan
Walang nakikitang anumang operational lapses ang pamunuan ng Philippine National Police sa naganap na ambush sa tropa ng Regional Public Safety Batallion sa Baggao Cagayan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ayon kay PNP spokesman CSupt. Wilben Mayor, magsasagawa lamang sana ng imbestigasyon ang tropa mula sa RPSB sa umanoy ginawang panununog sa mga construction equipment sa isang irrigation project ng gobyerno nang tambangan ang nasabing mga pulis.
Paliwanag ni Mayor, nagsasagawa ng kanilang law enforcement function ang tropa ng RPSB kung kaya hindi na nila kinakailangan pang abisuhan ang militar sa area na kilalang pinamumugaran ng mga rebeldeng NPA.
Gayunpaman, magsasagawa na ng imbestigasyon ang PNP sa insidente para matukoy kung meron nga bang maaring naging kapabayaan lalo na sa intelligence gathering na nagresulta ng pagkalagas ng buhay ng 6 na pulis at pagkasugat ng 15 iba pa.
Sa kasalukuyan nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang pulisya laban sa mga rebelde habang itinaas na rin sa full alert status ang buong Region 2 dahil sa insidente.
Inalerto ng PNP ang kanilang mga tauhan sa lugar makalipas ang naganap na ambush sa mga tauhan ng RPSB sa Cagayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
