Kinumpirma ni U.S. President Barack Obama na kabilang sa natalakay sa katatapos na Asean-US Summit ang pagpapahupa sa tensyon sa South China Sea o West Philippine Sea.
Sa pagharap sa media matapos ang summit sa Sunnylands, California sinabi ni Obama na napagkasunduan ang pangangailangang resolbahin ng payapa ang sigalot sa agawan ng teritoryo.
“We discussed the need for tangible steps in the South China Sea to lower tensions including a halt to further reclamation, new construction and militarization of disputed areas,” ayon kay Obama.
Sa inilabas namang joint statement matapos ang two-day summit walang nabanggit na kahit anong partikular na detalye o hakbang na gagawin sa mga mapanghamong aksyonng China sa South China Sea.
Sa halip na isentro sa China ang nilalaman ng joint statement, binanggit na lamang ang gampanin at kahalagahan ng U.S.-ASEAN partikular sa pagkakaroon ng respeto sa “sovereignty, territorial integrity, equality at political independence sa lahat ng nasyon.
Nakasaad din sa pahayag ang commitment ng bawat kasapi para sa peaceful resolution sa territorial disputes.