Posibleng mag-abot sa loob ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Egay at isa pang bagyo na papalapit sa bansa.
Ayon sa Pagasa isang bagyo ang kanilang binabantayan sa labas ng PAR na mayroong International Name na Chan-Hom.
Sinabi ni Pagasa forecaster Gladys Saludes, dahil sa mabagal na kilos ng bagyong Egay na ngayon ay nasa West Philippine Sea na ay maaring sa Huwebes o Biyernes pa ito lumabas ng PAR. Sa pagtaya kasi ng Pagasa, posibleng sa Martes ay papasok ng bansa ang bagyong Chan-Hom at papangalanan itong Falcon.
Sa latest weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang bagyong Egay sa 135 kilometers Southwest ng Laoag City sa Ilocos Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 100 kilometers kada oras. Kumikilos ito ng pa-hilaga sa bilis na 7 kilometers kada oras.
Nakataas pa rin ang Public storm warning signal number 2 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Calayan at Babuyan Group of Islands, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Abra.
Habang signal number 1 naman sa Pangasinan, Isabela, Benguet, La Union, Mt. Province at Ifugao.
Nagbabala ang Pagasa sa mga lugar na may nakataas na public storm warning signal na mag-ingat sa posibleng pagbaha at landslides./Dona Dominguez – Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.