Binigyan ng kagawaran ang local government units (LGUs) ng hanggang May 28 upang matapos ang liquidation at listahan ng mga benepisyaryo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, base sa direktiba ni DILG Secretary Eduardo Año, kailangang tapusin ng LGUs ang liquidation report sa first tranche at isumite ang encoded list of beneficiaries sa DSWD.
Kapag nagawa ito, saka lamang aniya makakapagsimula sa second tranche.
“As per directive of Secretary Eduardo Año, kailangang tapusin na ng mga LGUs ngayon ang liquidation report nila ng first tranche at isubmit na nila ito pati na ang encoded list of beneficiaries sa DSWD. Only then can we proceed with the 2nd tranche,” pahayag ni Malaya.
Base sa ulat ng DSWD, 472 sa 1,634 LGUs sa buong bansa pa lamang ang nakapagsumite ng liquidation report hanggang May 26.
Sinabihan din aniya ang LGUs na tanggapin ang SAP cash aid returns o refunds ng mga benepisyaryo na nakatanggap ng kaparehong benepisyo mula sa iba pang programa ng gobyerno tulad ng 4Ps, CAMP ng DOLE, at SBWS ng SSS.
“Every unreturned amount means that a similar family in need is deprived of cash aid. All returned cash subsidies may be given to ‘left-out’ families within their jurisdiction prior to liquidation, provided they are qualified to receive the SAP based on DSWD guidelines,” ani Malaya.
Para sa cash aid return matapos ang liquidation ng LGU, kailangan aniyang i-remit ito sa DSWD field offices.
“An official receipt must be issued to the beneficiaries as proof of refund,” dagdag ni Malaya.
Umaasa naman aniya ang kagawaran na mas magiging maayos at mabilis na ang proseso ng payout ng second tranche ng SAP cash aid matapos ang ilang naranasang aberya sa pamamahagi sa first tranche.
“Inaasahan namin na mas magiging mabilis na ang proseso dahil pinagdaanan na nila ito at alam na nila ngayon kung paano mas magiging maayos at sistematiko ang pamamahagi ng SAP,” aniya pa.
Tiniyak din ni Malaya na handang tumulong ang Philippine National Police (PNP) sa DSWD at LGUs sa pamimigay ng second tranche ng tulong-pinansyal.
“Nakahanda naman po ang ating kapulisan para alalayan ang DSWD at mga LGUs sa pamimigay ng ayuda sa mga malalayo at ilang lugar sa ating bansa para masiguro na matatanggap ito ng ating mga kababayan,” ani Malaya.