Handa nang isailalim ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ), ayon sa Palasyo ng Malakanyang.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na batay sa mga datos ay maaari nang alisin sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR).
Makikita kasi aniyang may mabuting pagbabago sa doubling rate ng COVID-19 sa Metro Manila.
Ngunit, sinabi ni Roque na depende pa rin ito sa kooperasyon ng publiko.
Aniya, anuman ang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay posible pa ring ibalik sa ECQ ang lugar kapag bumilis muli ang doubling rate ng nakakahawang sakit.
Inirekomenda na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa pangulo na ilagay sa GCQ ang Metro Manila.
Huwebes ng gabi, May 28, inaasahang magsasagawa ng public address ang pangulo.