Sen. Bong Go umapela sa LGUs na tanggapin ang mga pauwing OFWs
Nanawagan si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa iba’t ibang government agencies na asistihan ang lahat ng locally stranded individuals sa Metro Manila at iba pang parte ng bansa para ligtas silang makabalik sa kani-kanilang mga probinsiya sa gitna ng COVID-19 crisis.
Hinimok din niya ang mga ito na tiyakin na nasusunod ang health protocols at proper coordination sa pagitan ng national agencies at local government habang ibinabiyahe ang LSIs.
“I am urging concerned agencies in the Executive branch to make sure that for every Filipino we send home to their provinces, the necessary health protocols are followed and proper coordination with their home LGUs are implemented in order to avoid health risks and confusion upon their arrival,” sabi ni Go.
Ang apela ni Go ay bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases na makipag-ugnayan ng tama ang Department of Interior and Local Government sa concerned LGUs para tiyakin na naka-latag ang safety measures at maasistihan ng tama ang mga pauwing residente.
Sa isinagawang Senate Committee on Health hearing na ginanap nitong Martes, May 26, umapela din si Go sa local government units na paghandaan ang pag-uwi ng LSIs, lalo na ng stranded OFWs na nagnanais nang makabalik sa kanilang home provinces.
“Tanggapin po natin sila, lalo na sa kanilang mga bayan. Sila po ang ating modern-day heroes na nagtatrabaho at nagpapakamatay po sa ibang bansa. Tulungan po natin sila lalo na sa panahon ngayon na naghihirap sila,” sabi ni Go sa pagdinig.
“Huwag na po natin antayin na umabot pa po sa depresyon. Napalayo na po sila sa kanilang mga pamilya for several months or even years, tapos ngayon, pagdating sa sariling bayan, ay ikukulong pa natin sila. Basta kung sumunod na po sila sa mga quarantine protocols, safe, at tested (negative for COVID-19) na po sila, dapat pabalikin na po natin sila sa kanilang mga probinsya para maasikaso at makapiling na po nila ang kanilang mga pamilya,” dagdag pa niya.
Hinimok din ng senador ang mga concerned agencies na bilisan ang proseso sa pagkakaloob ng health certificates sa overseas Filipino workers na stranded sa Metro Manila matapos makatugon sa COVID-19 testing at iba pang health protocols.
Ito ay matapos ang mga ulat na overstaying na ang ibang OFWs sa ibat-ibang quarantine hotels at lampas na sa prescribed quarantine period.
Sa statement, sinabi ni Go siya ay “sympathizes with the OFWs who are still stranded in Metro Manila and are in quarantine facilities for more than the prescribed 14-day period despite complying with health protocols and having been tested negative for COVID-19 already.”
Idinagdag pa nito na ang pagkakaantala sa pagpapalabas ng kanilang health certifications ay nagdudulot ng pahirap sa OFWs kung saan ang ilan sa kanila ay nakararanas ng depression.
“Nakita naman po natin ang mga pagsubok na pinagdaraanan ng ating mga OFWs dahil sa COVID-19. Dapat lang na mapauwi na sila sa kanilang mga probinsya dahil matagal na rin po silang nawalay sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Go.
“Alagaan po natin sila at suklian natin ang kanilang mga sakripisyo ng mas maayos at mabilis na serbisyo,” dagdag pa nito.
Samantala, hiniling din ni Go sa ibat-ibang ahensiya na ipaliwanag sa publiko ang samut-saring government programs and initiatives, maging ang proseso na dapat sundin kung paano mabebenipisyuhan ang publiko mula sa mga naturang programa upang matulungan ang mga apektadong Filipino na kailangang makauwi sa kanilang mga lalawigan.
“Umaapela po ako sa mga ahensya ng gobyerno na ipaliwanag ang iba’t ibang programa ng gobyerno na pwedeng makatulong sa mga gustong umuwi sa kanilang mga probinsya at kung ano ang proseso na kailangan sundin,” sabi ng Senador.
Nilinaw din ni Go na ang iba’t-ibang “hatid” assistance program na ipinatutupad ng iba’t-ibang ahensiya para sa stranded students, workers at tourists at OFW’s ay iba sa “Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa “ program na kanyang ipinanukala at ngayon ay na-institutionalized sa ilalim ng Executive Order 114, na nilagdaan ni President Rodrigo Duterte.
“As the proponent of the Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, I wish to clarify that stranded workers and OFWs in Metro Manila are not part of the BP2 package. There are other government initiatives in place to respond to their needs,” Sabi ni Go.
“The BP2 program being implemented by an inter-agency council seeks to assist Filipinos residing in Metro Manila who wish to relocate to their home provinces for good. There is a process in place to ensure their safe travel and the provision of necessary assistance from partner agencies,” Paliwanag nito.
Sabi ni Go, may mga kahalintulad na government programs na naglalayung tulungan ang stranded workers, students, tourists at OFWs, at iba pa.
“Mayroon pong Hatid Estudyante Para Makabalik sa Probinsya program ang DOTr para sa mga estudyante na stranded. Mayroon ring mga programa ang DOLE, DOTr, OWWA at MARINA para sa mga OFWs na bumalik sa bansa o naipit sa Metro Manila at nais umuwi sa kanilang probinsya,” Sabi pa nito na ang tinutukoy ang ang government initiatives na ipinatutupad ng various agencies para tulungan ang LSIs na makauwi at makasamang muli ang kanilang pamilya sa probinsiya.
“I am also reminding the government to always prioritize the people’s welfare especially in this time of crisis. Magtulungan at magbayanihan po tayo para maiwasan ang hindi pagkakaintindihan at para rin po malampasan natin ang krisis na ito bilang isang nagkakaisang bansa,” dagdag pa ni Go.
“Ang mahalaga, kung anumang programa ‘yan, basta tulungan po nating makauwi ng maayos at ligtas ang mga kababayan nating nanghihingi ng tulong na makabalik sa kanilang mga pamilya. Tulungan natin silang maka-avail ng mga programang mayroon ang gobyerno. Huwag po natin pahabain pa ang paghihirap nila,” pagtatapos ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.