DOH, suportado ang suspensyon ng face-to-face classes hanggang wala pang bakuna vs COVID-19

Photo grab from PCOO Facebook live video

Inihayag ng Department of Health (DOH) ang pagsuporta na suspendihin muna ang face-to-face classes sa bansa.

Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ito ay habang wala pang nagagawang bakuna laban sa COVID-19.

Mas masisiguro aniyang ligtas ang bawat mag-aaaral kung mananatili sa kani-kanilang bahay habang nag-iisip ang mga guro ng maaaring ipatupad na flexible alternative learning methods.

“Nakapaloob sa tinatawag na minimum health standards ang mahigpit na physical distancing saanman sa school campus. Ito ay mangangailangan ng masusing pagbabantay na di naman masisiguro sa panahong ito,” pahayag ni Vergeire.

Naiintindihan naman aniya ng kagawaran na malaking hamon ito sa maraming Filipino dahil hindi lahat ay may internet connection.

Ngunit paliwanag ni Vergeire, “Ngunit dapat nating maging priority ang kaligtasan ng ating mga anak bago ang kanilang edukasyon hanggang sa magkaroon na tayo ng garantiya na magkakaroon na sila ng proteksyon laban sa virus.”

Read more...