Kasama ang kaniyang mga kasama sa Partido Galing at Puso, hinarap ni Sen. Grace Poe ang mga Ilonggo sa kaniyang pinagmulan, sa plaza na katapat ng Jaro Cathedral kung saan siya natagpuan noong siya ay sanggol pa lamang.
Pinasalamatan niya ang mga Ilonggo sa pagtanggap sa kaniya, at nangako na oras na siya’y mahalal bilang pangulo ng bansa, siya ay manunumpa sa harap ng Cathedral kung saan siya iniwan at napulot.
Samantala, tumungo naman si Vice President Jejomar Binay sa Binondo, Maynila mula pa sa Cebu, para harapin ang mga negosyante sa isang forum ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII).
Dito inihayag ni Binay sa mga negosyante ang kaniyang mga plataporma sa pagpapalawig ng ekonomiya ng bansa, pati na rin ang pagsusulong niya ng mas mabuting bilateral relations ng Pilipinas sa China.
Bilang bahagi naman ng kaniyang adbokasiya kontra droga, humingi ng tulong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga kaanak ng mga nabiktima ng sindikato ng droga.
Itinalaga niya sina Volunteers Against Crime (VACC) and Corruption chair Dante Jimenez at dating undersecretary for Bicol affairs at Masbate Vice Gov. Mario Espinosa, para maging katuwang niya sa pagsusulong ng kaniyang adbokasiya.
Sina Jimenez at Espinosa ay parehong may mga kapamilya na pinasalang ng mga drug syndicates sa magkaka-ibang dahilan.
Sa Bacolod naman, nilinaw ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas ang isyu na ang eroplanong gamit niya ay pag-aari umano ng sangkot sa iligal na pagmimina.
Iginiit ni Roxas na hindi ito libreng ipinagamit sa kaniya, bagkus ay binayaran o nirentahan niya ito, kasabay ng pagtitiyak na wala siyang ginagamit na ni isang sentimo ng pondo ng bayan sa kaniyang pangangampanya.