‘New normal’ sa GCQ sa Metro Manila ilalatag sa IATF
May mga limitasyon at ipagbabawal pa rin kahit isailalim na lang sa general community quarantine o GCQ ang Metro Manila.
Sumang-ayon ang lahat ng 17 Metro Manila mayors na bumubuo sa Metro Manila Council na irekomenda sa Inter Agency Task Force na i-downgrade sa GCQ mula sa modified ECQ ang Kalakhang Maynila simula sa darating na Hunyo 1.
Bagaman iisa ang posisyon ng mga alkalde, ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim depende pa rin ang lahat sa magiging desisyon ng task force.
Bukod dito, napagkasunduan din sa pulong na papayagan pa rin ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng lockdown sa partikulaar na barangay kapag kinakailangan dahil sa mga kaso ng COVID-19.
Ipagbabawal pa rin ang pagbiyahe ng mga pampasaherong bus at jeep, samantalang papayagan na ang pagbiyahe ng mga taxi, point-to-point vehicles, TNVS, company-provided shuttle services at tricycles.
Samantala ang mga pribadong sasakyan na may higit sa isa ang sakay ay exempted sa number-coding scheme ngunit ayon naman kay MMDA Gen. Manager Jojo Garcia kinakailangan pa nilang gumawa ng resolusyon para dito.
Pagdidiin pa ni Garcia, mahigpit pa rin nilang ipapatupad ang physical distancing at pagsusuot ng mask.
Ipapaliwanag naman ni Lim sa task force ang inilabas na posisyon ng mga Metro Manila Mayors.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.