30,000 pamilya tumanggap na ng supplemental SAP sa Pasig City
Umabot na sa 30,000 na pamilya ang nakatanggap na ng supplemental Social Amelioration Program sa Pasig City mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, malayo-layo pa ito sa target na 160,000 na pamilya na mabibigyan ng P8,000 na cash assistance mula sa lokal na pamahalaan.
Ang nasabing mga pamilya ay pawang hindi napasama sa mga benepisyaryo ng SAP ng DSWD.
Para mas mapabilis ang pamamahagi ng supplemental SAP, sinabi ni Sotto na patuloy ang pagkuha nila ng validators.
Ngayong linggo, 200 pang validators ang sasailalim sa training upang makatulong sa pamamahagi ng Pasig Supplemental SAP.
Sa ilalim ng validation ay nagsasagawa ng pagbabahay-bahay upang matiyak na tanging ang mga wala sa SAP beneficiaries ng DSWD ang makatatanggap ng SAP mula sa Pasig LGU.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.