‘Skytree’ na magpapalakas ng digital signal sa bansa, balak itayo sa tulong ng Japan
Pinag-iisipan na ng pamahalaan ng Japan ang mamuhunan sa pagtatayo ng Philippine Diamond Tower, na magsi-silbing parang Tokyo Skytree.
Napag-alamang binabalak itayo ang Philippine Diamond Tower sa pamamagitan ng public-private investment fund.
Layunin ng pamahalaan na isulong ang infrastructure export, na siya namang napili ng Japan na isa sa kanilang growth strategies, kabilang na ang information and communications technology (ICT).
Tulad ng Tokyo Skytree, itatayo ang nasabing tower sa Quezon City para mas mapabuti ang radio wave management sa terrestrial digital broadcasting.
Nakatakdang matapos ang naturang tore sa taong 2019, at inaasahang aabot sa ¥100 billion (P41.4 billion) ang kabuuang halaga ng pagtatayo nito.
Pinaplano rin itong gawin ng may taas na 612 meters, bilang karangalan sa Independence Day ng Pilipinas na June 12.
Maglalagay rin dito ng observation platform, at tatayuan rin ng mga commercial facilities kaya inaasahang magiging popular na sightseeing spot, tulad na lang ng Skytree sa Japan.
Sa kabila kasi ng paglu-lunsad ng terrestrial digital broadcasting dito sa bansa, wala namang common broadcast tower ang mga broadcasting stations dito sa Pilipinas.
Ito na ang magiging solusyon sa problema ng pagta-transmit ng radio waves sa mga lugar na natatakpan ng matataas na gusali.
Bukod sa pagiging malaking tulong sa teknolohiya, kilala rin bilang sikat na tourist attraction ang Skytree sa Tokyo kung saan maari mong masilayan ang Japan mula sa napaka-taas na lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.