Mga pulitiko, binawalang mangampanya sa Kamay ni Hesus sa Quezon
Ngayong papalapit na ang Holy Week, inaasahan na ang pag-dagsa ng mga Lenten pilgrims sa Kamay ni Hesus (KNH) shrine sa Lucban, Quezon.
Ngunit dahil malapit na rin ang eleksyon, inaasahang makikisabay rin ang mga pulitiko sa pagpunta rito dahil sa dami ng tao.
Ayon sa tagapamahala ng dambana na si Fr. Joey Faller, welcome naman ang mga pulitiko o kandidato na tumungo sa kanilang dambana.
Gayunman, mahigpit na ipinapakiusap ni Faller na hindi tamang lugar ang dambana para sa kanilang mga pangangampanya, at sa halip ay gawin na lamang ito sa ibang lugar.
Panawagan pa niya, sana’y respetuhin ng mga pulitiko ang dambana dahil ito ay nakalaan para sa pag-samba at pagtitika.
Ani Faller, na kilala bilang isang healing priest, maari siyang puntahan ng mga pulitiko sa kaniyang opisina para mag-pakilala bilang kandidato, ngunit oras na nasa loob na sila ng dambana, hindi sila maaring gumawa ng kahit anong uri ng pangangampanya.
Hindi rin niya kukunsintihin ang pagsusuot ng mga campaign shirts, pamimigay ng kung anu-ano, pakikipag-kamay o maging pakikipag-selfie sa mga deboto.
Binalaan rin niya ang mga pulitiko na huwag maglagay ng anumang campaign material sa mga daan patungo sa shrine.
Sa kabila nito, ipagdarasal pa rin niya aniya ang mga pulitiko na magkaroon ng gabay at kaliwanagan ng isip, at pati na rin ang mapayapa, tapat at maayos na halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.