Mga tricycle sa Muntinlupa, balik-operasyon na sa May 25
Sa kasagsagan sa modified enhanced community quarantine, magbabalik-operasyon ang mga tricycle sa Muntinlupa City simula sa Lunes, May 25.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng Muntinlupa, ito ay alinsunod sa nilagdaang Executive Order no. 15 (s. 2020) ni Mayor Jaime Fresnedi.
Sinabi ng Muntinlupa LGU na ipatutupad ang odd and even scheme sa mga TODA sa ilalim ng Muntinlupa Traffic Management Bureau o MTMB at Tricycle Regulatory Unit o TRU.
Makakabiyahe ang mga tricycle na may odd number (1, 3, 5, 7 at 9) sa huling numero ng plaka tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Ang mga tricycle namam na may even number (2, 4, 6, 8 at 0) sa huling numero ng plala ay maaaring pumasada tuwing Martes, Huwebes at Sabado.
Isang pasahero lamang ang papayagan sa kada tricycle.
Kinakailangang magsuot ng face mask ang driver at pasahero at dapat sa kanang bahagi uupo ang pasahero.
Nasa P25 anila ang ibabayad na pasahe dahil ituturing na “special trip” ang kada biyahe.
Magsasagawa rin ang MTMB at TRU ng random inspection.
Magkakaroon din ng temperature check sa mga terminal, dapat may sanitizers sa tricycle at mag-disinfect dalawang beses sa isang araw.
Sinumang lumabag rito ay pagmumultahin.
Magsisimula ang pagbiyahe ng mga tricycle bandang 5:00 ng madaling-araw hanggang 12 ng hatinggabi.
Hindi naman maaaring pumasada ang mga tricycle tuwing araw ng Linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.