Mahigit 100,000 residente ng Makati natanggap na ang P5,000 ayuda mula sa LGU
Umabot na sa 114,828 ang bilang ng mga residente ng Makati City na nakatanggap ng P5,000 ayuda mula sa lungsod
Ayon kay Mayor Abby Binay, ito ay sa loob lamang ng isang linggo matapos ipatupad ng lungsod ang Makatizen Economic Relief Program o MERP, bilang tulong sa mga residente ngayong may pandemic ng COVID-19.
Ayon kay Binay, naging mabilis ang pamamahagi ng ayuda dahil sa paggamit ng digital platforms upang maipaabot ang tulong pinansyal.
Katuwang ng lungsod ang GCash sa pagsasagawa ng contactless delivery ng cash assistance sa mga residente.
Kwalipkado sa programa ang 18 taong gulang pataas at residente ng Makati o residente ng relocation sites sa pamamahala ng lungsod sa San Jose del Monte City, Bulacan at sa Calauan, Laguna.
Kailangan ding may Makatizen Card, o Yellow Card, o botante ng Makati.
Mula nang ianunsyo ni Mayor Abby ang programa, mahigit 250,000 applications na ang natanggap ng lungsod, at 142,267 sa mga ito ang naaprubahan na.
Samantala, nasa 10,000 applications ang na-reject ng GCash dahil sa kulang at maling impormasyon na isinumite ng mga aplikante.
Sila ay tatawagan o itetext upang ipaalam ang dahilan ng pagka-reject, at kung papaano sila maaaprubahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.