Bilang ng pamilyang nakararanas ng gutom sa bansa, dumoble – SWS

Halos dumoble ang bilang ng mga pamilyang Filipino na nakararanas ng pagkagutom, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Batay sa COVID-19 Mobile Phone Survey ng SWS, umabot sa 16.7 porsyento o katumbas ng 4.2 milyong pamilya ang nakararanas ng “involuntary hunger” dahil sa kakulangan ng pagkain.

Malaki ang itinaas nito kumpara sa naitalang 8.8 porsyento o 2.1 milyong pamilya noong December 2019.

Sa nasabing hunger rate, 13.9 porsyento rito o 3.5 milyong pamilya ang nakakaranas ng “moderate hunger” habang 2.8 porsyento naman ang “severe hunger.”

Ang moderate hunger ay ang mga pamilya na nakakaranas “only once” o “a few times” ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang severe hunger naman ay ang mga pamilyang dumaranas “often” o “always” ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Lumabas din sa survey na 99 porsyento o halos lahat ng pamilya ay nakatanggap ng tulong mula sa gobyerno simula nang magkaroon ng COVID-19 crisis.

Isinagawa ang SWS May 2020 COVID-19 Mobile Phone Survey gamit ang mobile phone at computer sa pamamagitan ng telephone interviewing sa 4,010 working-age Filipinos sa buong bansa.

Read more...