Health workers na tinamaan ng COVID-19, umabot na sa 2,330; 15 ang nadagdag – DOH

Iniulat ng Department of Health (DOH) na 15 ang panibagong healthcare workers na nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.

Sa virtual presser, sinabi ni Dr. Beverly Lorraine Ho, Health Promotion and Communication Service Director IV, umakyat na sa 2,330 ang bilang ng medical workers na tinamaan ng nakakahawang sakit hanggang May 20.

Sa nasabing bilang, 1,250 ang aktibong kaso kung saan 322 ang asymptomatic, 926 ang mild at dalawa ang may severe condition.

Narito ang naitalang kaso sa mga sumusunod na health worker:
– Physician o doktor – 670
– Nurse – 850
– Nursing Assistant – 144
– Medical Technologist – 86
– Radiologic Technologist – 42

Nasa 291 namang non-medical staff ang naapektuhan ng nakakahawang sakit.

1,049 naman ang mga naka-recover na health worker sa nakakahawang sakit hanggang May 20.

Sinabi ni Ho na paunti na nang paunti ang bilang ng napapaulat na health workers na tinatamaan ng COVID-19.

Dagdag nito, nanatili sa 31 ang mga pumanaw na medical worker bunsod ng COVID-19.

Simula May 10, 10 araw na aniyang walang naitatalang COVID-19 related deaths sa hanay ng health workers.

Ngunit, nilinaw naman ni Ho kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa iniulat nilang COVID-19 related deaths sa hanay ng health workers.

“Ang mga datos po na isina-submit sa atin ay lagi nating vina-validate, lalo na kapag may bagong information na pumapasok,” pahayag ni Ho.

Unang sinabi ng DOH na hanggang May 19, 33 ang pumanaw na health workers bunsod ng nakakahawang sakit habang bumaba sa 31 ang tala hanggang May 20.

“Ngayong araw po, nalaman natin na 31 na lang po ang bilang ng nasawi so the two other deaths are actually not healthcare worker. This was done through further validation. So we immediately correcting our data and informing the public of those incorrect data,” ani Ho.

Read more...