Unang batch para sa pilot implementation ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program umuwi na ng Leyte
Pinangunahan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go kasama ang member-officials ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Council ang send-off sa unang batch ng beneficiaries ng programa na naging kwalipikado sa unang pilot roll out kahapon, May 20,2020.
111 beneficiaries, na binubuo ng 85 na mga pamilya ang napauwi na ng Leyte sa ilalim ng programa.
Karamihan sa kanila ay heads ng pamilya at bahagi ng 3,371 identified na mga aplikante na nagpahayag ng pagnanais na makabalik na sa iba’t ibang bayan sa Leyte.
“Natutuwa ako na ngayong araw ay nasimulan na natin ang pilot testing ng BP2 Program. Nakikita natin ang efficiency ng implementasyon ng programang ito na ating inihahandog para sa mga Pilipino. May political will ang ating gobyerno… importante na nasimulan na natin ito,” Go said.
Si Go, na siyang proponent ng BP2 program, ay naghayag na layon ng programa na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino lalo na’t may nagaganap na health crisis ang bansa dulot ng coronavirus disease (COVID-19) outbreak na tumama sa buong mundo.
Noong May 6, lumagda ang Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order 114, para sa pagtatag ng inter-agency council na bubuo ng mga polisiya at programa para sa pagpapatupad ng BP2.
“Pag-asa ang gusto nating ibigay sa ating mga kababayang Pilipino sa pagsisimula ulit nila sa probinsya. Tulungan natin sila para mabigyan ng pag-asa. Walang pilitan ito. Ang lahat ng aalis ngayon at uuwi sa probinsya ay kusang nagboluntaryo,” ayon kay Go.
Bago tumulak ng Leyte ang first batch ng BP2 beneficiaries , sila ay binigyan ng mga dokumento at health clearances na sumailalim sa evaluation ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Naglagay din ng booths ang National Housing Authority para sa pag-release ng boarding passes; habang ang Department of Health ang nangasiwa sa PCR test para sa COVID-19 at sa pag-check ng local health clearances; ang Department of Social Welfare and Development naman ang nagpalabas ng transportation at financial allowance at iba pang ayuda.
Ang Department of Transportation at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board naman ang naghanda ng limang units ng bus na sinakyan ng mga beneficiaries pauwi ng Leyte.
“Kumpleto ang proseso na ginagawa ng ating mga ahensya. Sinisigurado natin na cleared silang umalis mula sa Manila, makakalagpas sa mga checkpoints, at maayos ang kanilang pagdating sa probinsya,” dagdag pa ng senador.
Naghanda rin ang tanggapan ni Senator Bong Go ng food packs, protective masks, at iba pang tulong sa beneficiaries.
Ang Department of Agriculture (DA) naman ang nagproseso ng agricultural products kasama na ang starter kits para sa pagtatanim ng beneficiaries.
Ang DSWD naman ang naghanda food packs para sa kanilang pagdating sa probinsya, bukod sa livelihood grant sa loob ng labing-limang araw matapos ang kanilang pagdating doon.
Ang Department of Interior and Local Government naman ang nakipag-ugnayan sa local government unit para matiyak na maibibigay ang kanilang mga pangangailangan pagdating nila sa kanilang mga tahanan.
Target ng programa na makapagpauwi ng 100 hanggang 300 katao sa bawat roll out, depende sa kapasidad ng tatanggap na LGUs.
Tiniyak din ng gobyerno na mahigpit na masusunod ang Health protocols sa kada roll out.
“Pinili natin ang probinsya ng Leyte bilang unang destinasyon dahil sila ang may pinakamataas na numero ng aplikante,” ani Go.
Kabilang din sa siyam na mga probinsya na may mataas na bilang ng nagpalista o registered beneficiaries ay Samar, Negros Occidental, Zamboanga del Norte, Southern Leyte, Bohol, Northern Samar, Camarines Sur, Pangasinan at Masbate.
Sa isang panayam, inihayag ni Sen. Go na ang “political will” ng Pangulong Rodrigo Duterte ay mahalagang factor para matiyak ang ikatatagumpay ng programa.
“Sa katunayan, pinirmahan agad ni Pangulong Duterte ang Executive Order 114. (Nagbuo agad ng council) composed of 17 departments and more. Nadagdagan pa po ang mga ahensya at magtutulungan lahat (para ma-utilize ng maayos) ang resources ng gobyerno para sa tagumpay ng programang ito,” dagdag pa ni Go.
Sa harap ng kasalukuyang pandemic, sinabi ni Go na marami pang mga Pilipino sa Metro Manila ang nagpahayag ng interes na umuwi na ng kanilang mga lalawigan at magsimula ng panibagong buhay.
Nilinaw din ni Go na ang nasabing programa ay voluntary. “Wala pong pilitan ito. Kung ayaw niyo, hindi kayo pipilitin ng gobyerno. Kung gusto niyo, matutulungan po kayo. Binibigyan kayo ni Pangulong Duterte ng bagong pag-asa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.