Mas maiksi ang balota na gagamitin sa May elections kumpara sa balotang ginamit noong 2010 at 2013 elections.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang balota ngayon ay may sukat na 20 inches by 8.5 inches.
Mas maiksi ito ng 7 inches kumpara sa balota noong 2010. Paliwanag ni Comelec Chairman Andres Bautista, noong 2010, 10 ang kandidato sa pagka-Pangulo, 8 sa bise presidente at 187 sa party-list.
Habang para sa 2016 elections, 6 lamang ang kandidato sa pagka-Pangulo at pangalawagn pangulo at 115 lang ang party-list.
Nasa official ballot ang pangalan nina Vice President Jejomar Binay (United Nationalist Alliance), Senator Miriam Defensor-Santiago (People’s Reform Party), Mayor Rodrigo Duterte (Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban), Senator Grace Poe (independent), Mar Roxas (Liberal Party) at ang yumaong si OFW Family Club party-list Rep. Roy Señeres.
Para naman sa bise presidente, nasa official ballot sina Senator Alan Peter Cayetano (independent), Senator Chiz Escudero (Independent), Senator Gringo Honasan (UNA), Senator Bongbong Marcos (independent), Rep. Leni Robredo (LP) at Senator Antonio Trillanes IV (Independent).
Salig kasi sa Omnibus Election Code, pwede pang magkaroon ng substitute si Señeres hanggang sa mid-day ng election day.
Samantala, kumpiyansa naman si Comelec Chairman Andres Bautista na matatapos on-time ang pag-imprenta sa 56.7 million na official ballots at sa 1.2 million na mga karagdagang mga balota na gagamitin ng Comelec para sa preliminary logic at accuracy test, gayundin sa final testing at sealing test.
Tatlong units ng OCE Cannon Digital Printer ang ginagamit ng National Printing Office (NPO) para sa pag-imprenta ng mga balota.
Sa pagtaya ng Comelec aabot sa 100,000 hanggang 200,000 na balota kada araw ang kayang maimorenta sa unang mga araw ng pagsisimula ng ballot printing at hanggang 1.1 million na balota kada araw sa susunod na mga linggo.
Tuloy-tuloy ang pag-imprenta 24-oras mula Lunes hanggang linggo at titigil lamang ang operasyon sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Inuna ang mga balota para sa overseas absentee voting at sa balota para sa malalayong lugar gaya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).