Consumers pwedeng humingi ng detalyadong bill sa Meralco

Pwedeng humingi ng detalyadong bill sa Meralco ang mga consumer kung duda sila sa halaga ng bayarin nila sa kuryente.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Laban Konsyumer President, Atty. Vic Dimagiba na kung duda ang consumer sa laki ng kaniyang bayarin, pwede itong humiling sa Meralco na idetalye ang kanilang billing.

Sinabi ni Dimagiba na dapat ay naglabas ng malinaw na guidelines ng Energy Regulatory Commission (ERC) na susundin ng Meralco sa gagawing pag-compute sa bill ng consumers lalo at hindi nakapag-reading ng Marso at Abril.

Kapag napag-aralan ng consumer ang kanilang bill at sa tingin nila ay may mali talaga sa singil ng Meralco ay pwede silang maghain ng reklamo sa ERC.

Kaugnay nito sinabi ni Dimagiba na hiniling na niya sa ERC na sa halip na 4 na buwan ay gawing 6 na buwan ang installment sa pagbabayad ng mga naipong Meralco bills.

Ito ay para hindi mabigat sa mga consumer lalo at tumaas talaga ang konsumo simula noong Marso dahil marami ang naka-work from home at sadyang mainit ang panahon.

 

 

 

 

Read more...