PCSO Chair Maliksi, Rep. Advincula inireklamo ng graft sa Ombudsman

By Jay Dones February 16, 2016 - 04:35 AM

 

Inquirer file photo

Muling kinasuhan ng graft at malversation sa Ombudsman si PCSO Chairman Irineo Ayong Maliksi dahil sa paggamit umano nito ng kanyang lumang pork barrel funds noong ito ay kongresista pa upang ipambayad sa ospital ng kanyang driver na nagkasakit.

Sa reklamong inihain ni Jennifer Castro ng Filipino Alliance for Transparency ang Empowerment o FATE, kinuwestiyon nito si Maliksi sa maling paggamit ng kanyang P2.151-milyong Priority Development Assistance Fund noong ito ay Congressman pa ng 3rd district ng Cavite upang ipagamit sa kanyang naospital na driver na si Celestino Aman.

Alegasyon ni Castro, personal na sinulatan ni Maliksi ang pamunuan ng Philippine Heart Center noong December 2015 na humihiling dito na ipagamit kay Cavite Rep. Alex Advincula ang kanyang PDAF na hindi niya nagamit noong siya ay kinatawan pa ng Cavite upang maipambayad sa hospital bills ni Aman.

Ginamit pa umano ni Maliksi si Rep. Advincula upang lagdaan ang liham upang mabayaran ang ospital ng mahigit sa dalawang milyon nang mamatay ang pasyenteng si Aman.

Giit ng complainant, hindi na dapat pang pinakilaman ni Chairman Maliksi ang naiwan nitong pork barrel na kanyang inilaan sa Heart Center dahil hindi na ito Congressman.

Sa halip na galawin pa ang kanyang PDAF, dapat ay isinoli ito ni Maliksi sa national treasury nang ito’y maging chairman na ng PCSO.

Idineklara na aniyang ‘partly illegal’ ang PDAF kaya’t hindi na ito dapat ginastos pa ni Maliksi.

Alegasyon pa ni Castro, gumamit ng impluwensya si Maliksi upang mabigyan ng espesyal na pabor ang kanyang namatay na driver.

Una nang kinasuhan ni Castro si Maliksi ng hiwalay na graft case sa Ombudsman at paglabag sa Code of Conduct and Ethivcal Standards for Public Officials and Employees.

Gayunman, matatandaang noong nakaraang pagdinig ng House committee on games and amusements, na ginanap noong February 1, mariing itinanggi ni Maliksi na kanyang ginamit ang posisyon upang paboran ang kanyang staff na si Aman.

Mula aniya sa mahirap na pamilya si Aman kaya’t tulad ng ibang humihingi ng tulong sa ahensya, ay kanya itong tinulungan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.