Bill para sa buwan ng Mayo accurate at ibinase sa meter reading ayon sa Meralco
May basehan at hindi inimbento ang bayarin sa kuryente ng mga consumer sa Meralco para sa buwan ng Mayo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ipinaliwanag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na noong Marso at Abril ay bigo silang makapagsagawa ng meter reading dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.
Ang bill para sa Marso at Abril ay ibinase na lamang muna sa average consumption ng consumer sa nagdaang anim na buwan.
Pero nitong Mayo ay nakapagsagawa na sila ng reading ng mga metro, kaya ayon kay Zaldarriaga, nabasa na nila ang consumption ng mga consumer para sa buwan ng Marso, Abril at Mayo.
Kaya maliban sa May usage na nag-reflect sa May bill, sa May bill din nag-reflect ang discrepancy para sa usage sa Marso at Abril.
“Ang basehan po talaga niyan ay metro na nabasa ng meter readers natin. Nag-accumulate lang kasi noong March at April ay hindi nakapag-reading ng metro,” ayon kay Zaldarriaga.
Normal din aniyang tumataas ang konsumo pag ganitong mga buwan dahil mainit na ang panahon.
Dagdag pa ang katotohanan na lahat ng mga tao ay nasa kani-kanilang mga bahay lamang at marami ang work from home kaya tataas talaga ang konsumo sa kuryente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.