Batay sa severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 110 kilometers North Northwest ng Laoag City, Ilocos Norte bandang 4:00, Sabado ng hapon (May 16).
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Tinatahak pa rin nito ang direksyong pa-Hilaga sa bilis na 30 kilometer per hour.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal sa mga sumusunod na lugar:
Signal no. 1:
– Ilocos Norte
– Batanes
– Babuyan Islands
– Northwestern portion ng Cagayan (Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros)
– Northern portion ng Apayao (Calanasan, Luna)
Sinabi ng PAGASA na asahan pa ring magdudulot ang bagyo ng mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at northern portion ng Aurora.
Sabado ng gabi, May 16, hanggang araw ng Linggo, May 17, katamtaman na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang mararanasan sa Batanes at Babuyan Islands.
Babala pa ng PAGASA, mapanganib pa ring pumalaot ang lahat ng uri ng sasakyang-pandagat sa seaboard ng mga lugar na nakasailalim sa TCWS.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Ambo sa Lunes ng hapon, May 18.