Mga tricycle sa Pasig, balik-operasyon simula sa May 18
Magbabalik-operasyon ang mga tricycle sa Pasig City simula sa Lunes, May 18.
Ayon kay Mayor Vico Sotto, inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukalang panuntunan ng Pasig LGU para makabiyahe na ang mga tricycle.
Sa susunod na mga araw, inaasahan aniyang maraming magbubukas na establisimiyento.
“Ang pagpayag sa mga tricycle ay makakatulong na solusyunan ang kakulangan ng mobilidad sa paraan na may Social Distancing pa rin,” dagdag pa ng alkalde.
Base sa inilabas na infographic ng Pasig Public Information Office, isang pasahero lamang ang papayagan sa kada tricycle. Hindi naman kasama rito ang mga pasahero na kailangang umalalay sa pasyente.
Magkakaroon din ng barrier sa pagitan ng driver at pasahero.
Kailangang mag-disinfect sa mga tricycle dalawang beses sa isang araw.
Sinabi ng Pasig LGU na magbibigay ng disinfectant sa mga TODA.
Maliban dito, isang pasahero lang din ang papayagan sa mga private tricycle. Mayroon dapat ditong nakalagay na “Not for hire” signage.
Maaaring makapasada ang mga tricycle driver simula 5:00 ng madaling-araw hanggang 12:00 ng hatinggabi.
Kabilang ang Metro Manila sa mga lugar na isinailalim sa modified enhanced community quarantine hanggang May 31.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.