Umuwi na ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Radyo Inquirer.
Nabatid na galing ng Malakanyang at dumating si Pangulong Duterte sa Villamor Airbase sa Pasay City pasado 12:00 ng hatinggabi ng Sabado, May 16, at lumipad patungong Davao bandang 12:30 ng hatinggabi.
Dumating ang pangulo sa Davao City bandang 2:00 ng madaling-araw ng Sabado.
Sakay ang pangulo sa isang private plane.
April 26 nang ibunyag ni Pangulong Duterte na hindi siya pinayagan ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte na makauwi dahil sa banta ng COVID-19.
Ito rin ang dahilan kaya hindi siya nakadalo sa birthday ng kanyang partner na si Honeylet, anak na si Kitty at ng kanyang apo.
Umuwi ang pangulo sa Davao City isang araw matapos ang enhanced community quarantine sa Luzon at sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ambo.
Kinumpirma rin ito ni Presidential Security Group Commander Jesus Durante.
Aniya, inaasahang babalik ang pangulo sa Malakanyang para sa susunod na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force.
“He is in davao for a visit after more than 2 months of not being able to see his family. He will be back for the next IATF meeting,” pahayag ni Durante.
Nakasaad sa “Bayanihan to Heal as One Act” na kinakailangang magsagawa ng regular na pagpupulong ang IATF.
Obligado rin ang pangulo na magbigay ng pag-uulat sa bayan kaugnay sa kalagayaan ng mamamayan sa COVID-19 kada Lunes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.