(Updated) Dalawa ang patay habang anim ang sugatan nang bumagsak ang isang chopper sa Mount Macolot, Brgy. Pinagkaisahan sa bayan ng Cuenca sa Batangas ngayong araw, ika-5 ng Hulyo.
Ayon kay Sr. Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas Police Director, ang bumagsak na chopper ay may registry number na RP-C2726.
Sa panayam naman ng Inquirer Southern Luzon kay Sr. Inspector Joel Laraya, ang hepe ng Cuenca Police Station, kinilala nito ang mga nasawi na sina Jun Taborlupa – ang piloto ng helicopter, at ang negosyanteng si Archimedes “Archie” Rosario King, 62 anyos.
Si Archie King ang may-ari ng Victoria Court at anak ng isang Chinese-Filipino Billionaire.
Ang mga nasugatan naman ay nakilalang sina Tina Maristela Ocampo-bag designer, asawa nitong si Ricco Ocampo na isa namang fashion retail businessman, Anton San Diego-Inquirer lifestyle columnist, Standard Insurance CEO Patricia Chilip at asawa niyang si Christopher, na nagpapatakbo naman sa Dunlop tire distribution company at si Ling-ling King, asawa ni Archie King.
Ayon kay Laraya, patungong Maynila ang helicopter nang ito ay bumagsak sa bulubunduking bahagi ng Pinagkaisahan sa bayan ng Cuenca, alas 12:45 ng tanghali.
Hinihinalang ang masamang panahon na dulot ng bagyong Egay ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter.
Sa inisiyal na impormasyon naman mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang chopper ay isang Agusta 109E at ang piloto nito ay si Capt. Felisisimo Taborlupa. Pag-aari umano ng Malate Tourist Development Corp. ang helicopter.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, galing ng Puerto Galera ang chopper at pabalik ng Maynila sakay ang walo katao./Inquirer Southern Luzon, may ulat mula kay Chona Yu at Dona Dominguez-Cargullo