Ayon kay Rural Electric Consumers and Beneficiaries of Development and Advancement, Inc. (RECOBODA) partylist Rep. Godofredo Guya, kailangang patunayan ng Meralco na talagang tumaas ang konsumo sa kuryente sa panahon ng enhanced community quarantine at ngayong summer season.
Sabi ni Guya, importanteng makita ang mga numero para magkaalaman kung may basehan ang inaangalangan ng consumers na biglang pasirit ng kanilang bayarin sa kuryente.
Iginiit rin ng kongresista na isapubliko ng Meralco ang kanilang Schedule of Rates na ginamit sa pagkwenta ng May bill.
Sa nakaraang virtual meeting ng Committee on Energy, inatasan ng mga kongresista ang kumpanya na magpaliwanag in writing sa mga alegasyon laban sa kanila.
Una nang dumepensa ang Meralco sa mataas na bills ng consumer kung saan sinabi nitong ang March at April bills ay ibinase sa nakalipas na 3 buwang consumption base sa ERC advisory bago mag-ECQ kaya mas mababa ito.
Nasa May bill umano ang actual na konsumo kung saan nag-reflect ang full ECQ impact gayundin ang adjustments mula Marso at Abril kaya mas mataas ang consumption.