Helen Gamboa magdamag iniyakan ang pagpanaw ni dating Sen. Tessie Aquino-Oreta, ayon kay Sen. Tito Sotto
Ibinahagi ni Senate President Vicente Sotto III na halos hindi tumigil sa kakaiyak ang kanyang maybahay na si Helen Gamboa nang malaman ang pagpanaw ni dating Senator Tessie Aquino-Oreta Huwebes ng gabi.
Ayon kay Sotto kaanak ng kanyang maybahay ang yumaong dating senadora at aniya malapit ito sa kanila ni dating Sen. Gregorio Honasan, na ngayon ay DICT secretary.
Binanggit din ng senador ang mga mahahalagang panukala ni Aquino-Oreta na naisabatas tulad ng Early Childhood Care and Development Act, Solo Parent Act, Solid Waste Management Act, Philippine Micronutrient Fortification Program, Clean Air Act, at E-Commerce Act.
Gayundin ang Philippine High School System Act, Governance of Basic Education Act at ang Philippine Landscape Architecture Act.
Sinabi ni Sotto na bubuksan at agad din isasara ang sesyon sa Lunes gaya ng nakagawian sa tuwing may namamayapang dating senador.
Ngunit una nang inihayag nito na walang sesyon sa Lunes hanggang Miyerkules dahil bubuuin ang Senado bilang Committee of the Whole para talakayin ang lahat ng mga isyu kaugnay sa COVID 19 pandemic.
Sinabi ni Sotto kakausapin muna niya ang mga kapwa senador kung itutuloy pa ang naunang plano sa Lunes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.