Ballot printing, simula na ngayong araw-Comelec

Matapos ilang beses na maantala, sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa May 9 elections mamayang hapon.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, sa pagsisimula ng pag-iimprenta mamaya kasama pa rin ang pangalan ng yumaong OFW Family Club Party list Representative Roy Señeres.
Hanggang sa ngayon kasi ay walang pinal na pasya ang partido at pamilya ni Señeres sa isyu ng substitution.
Naghain na ng mosyon ang pamilya ni Señeres na wala nang sa-substitute na kandidato sa yumaong mambabatas pero kinontra naman ito ng kanyang partidong OFW Party list.
May ilang kaanak din si Señeres ang nagtext kay Bautista na nagsasabing gusto nilang pag-isipan muna kung magkakaroon pa ng substitution.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, maaring magkaroon ng substitution ang yumaong kandidato hanggang sa tanghali ng mismong araw ng eleksyon basta’t kapareho ito ng apelyido at ka-partido ni Señeres.
Nasa 57 milyong balota ang kailangang iimprenta ng Comelec kung saan uunahin ang mga nasa malalayong lugar.
Magugunitang tatlong beses na naudlot ang pag-imprenta ng baltoa dahil sa hindi pa pinal na listahan ng mga kandidato.
Unang itinakda ng Comelec ang printing of ballots noong January 26, February 1 at February 8.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.