Babaeng negosyante, inaresto ng NBI dahil sa large-scale selling ng alcohol
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng negosyante dahil sa large-scale selling ng alcohol sa Sampaloc, Maynila noong May 12.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge Eric Distor, nahuli ang suspek na si Cherrygil del Rosario Arriola sa pamamagitan ng ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU).
Nag-ugat aniya ang operasyon mula sa intelligence report sa umano’y large-scale selling ng adulterated alcohol mula sa CreativeLab Cosmetic Products.
Batay sa report, personal na hinahalo ni Arriola ang ethyl alcohol at methanol para mapadami ang ibinebentang produkto.
Sa isinagawa pang test buy operation noong April 27, kinumpirma aniya ng Food and Drug Administration (FDA) na ibinentang ethyl alcohol ng suspek ay naglalaman ng 96.1% Methanol at 4.9% Ethanol, kemikal na mapanganib sa kalusugan ng tao.
Nabigo rin aniyang magpakita ang suspek ng authority to sell sa mga produkto at chemical analysis kung saan sinasabing 99.9% ethyl alcohol ang ibinebenta nito sa publiko.
Mahaharap si Arriola sa kasong paglabag sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act), Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines) at Republic Act 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009).
Tiniyak naman ni Distor na patuloy na magiging alerto ang NBI para protektahan ang mga consumer sa mga pekeng produkto.
Hinikayat din nito ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga produkto. Tanging mga FDA approved at verified disinfectant products lang aniya ang dapat bilhin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.