Mga uuwi sa Cagayan pinag-aaralang isailalim lahat sa COVID-19 test
Masusing pinag-aaralan ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba ang posibilidad na isailalim sa Polymerase Chain Reaction (PCR) testing ang lahat ng uuwi sa lalawigan ng Cagayan.
Ang PCR-based test kits ang pinakamabisang paraan ng pag-detect ng COVID-19 virus.
Sinabi ni Mamba na malaking tulong ang PRC testing kit sa oras na magsidatingan na ang mga mamamayan na mag-aavail ng “Balik-Cagayan Program.”
Sa ngayon, tinitignan ang posibilidad na makabili ang Pamahalaang Panlalawigan ng sampung libong (10,000) piraso ng PCR testing kit sa isang pribadong laboratoryo.
Tinatayang nagkakahalaga ng anim na libong (P6,000) piso ang isang pirasong PCR testing kit.
Kaugnay nito, umaasa si Mamba na makikipagtulungan ang mga alkalde sa Cagayan sa pagbili ng PCR testing kit para sa kaligtasan ng mga mamamayan sa lalawigan.
Kamakailan ay nagsumite ng aplikasyon ang Cagayan Valley Medical Center para maging testing center ito sa Region 2.
Sa oras na maaprubahan ang aplikasyon magkakaroon ang CVMC ng RT-PCR Machine na maaring gamitin upang mas mabilis masuri ang COVID-19 status ng mga gustong magpatest.
Sinabi ng gobernador na ang mga magbabalik probinsiya na magnenegatibo sa PCR testing ay hindi na kailangan pang sumailalim sa mandatory quarantine, bagkus maaari na silang diretsong umuwi sa kanilang mga tahanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.