Bawal pa rin ang mag-angkas sa motorsiklo kahit pinagaan na ang ECQ
Mahigpit pa ring ipagbabawal ang pag-aangkas sa motorsiklo kahit pa pinagaan na ang enhanced community quarantine sa maraming lugar.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Chief Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, kahit modified enhanced community quarantine na lamang sa Metro Manila at sa Laguna at General Community Quarantine na lamang sa maraming lugar sa Luzon simula sa May 16, hindi pa rin papayagan ang mga motorsiklo na mayroong angkas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Eleazar na kahit pa asawa ang angkas ay hindi ito papayagan.
Kung pagbibigyan kasi aniya ang mga apela na payagan ang pag-angkas kung asawa naman ang sakay ay hindi na matatapos ang mga apela at diskusyon.
Ganito rin ang punto ni Health Sec. Francisco Duque III.
Ani Duque, hindi rin naman matitiyak o makukumpirma sa checkpoint kung mag-asawa ng nga ang magka-angkas.
Sinabi ni Duque na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng close contact dahil isa ito sa mode of transmission ng COVID-19.
At imposible ang social distancing kung ang dalawang tao ay magka-angkas sa motorsiklo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.