Pagbibigay ng 5-buwang provisional franchise sa ABS-CBN pasado na sa 2nd reading ng Kamara
Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala upang mabigyan ng limang buwang provisional franchise ang ABS-CBN.
Sa ilalim ng House Bill 6732, magbibigay ang Kongreso ng hanggang October 31, 2020 upang makabalik sa kanilang operasyon ang network.
Araw ng Miyerkules, May 13, lamang inihain ni Speaker Alan Peter Cayetano ang panukala na kaagad ding ipinasa ng Committee of the Whole ng Kamara.
Sa ilalim nito, binibigyan ang ABS-CBN Broadcasting Corporation ng provisional franchise na makapag-construct, install, operate at maintain ng kanilang mga radio at television stations sa buong bansa.
Layunin nito na makabalik sa ere ang network habang patuloy dinidinig ng Kamara ang 11 franchise renewal bills ng ABS-CBN.
Tulad ng ibang panukalang batas, dadaan din ito sa pagdinig ng Senado at sa bicameral conference committee bago ganap na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Co-author dito sina Reps. Neptali Gonzales II, Raneo Abu, Roberto Puno, Jose Antonio Sy-Alvarado, Dan Fernandez at Luis Raymund Villafuerte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.