Pamamahagi ng cash subsidy sa Rodriguez, Rizal ipagpapatuloy ngayong araw
Itutuloy ngayong araw ang pamamahagi ng cash assistance sa dalawang malaking barangay sa Rodriguez, Rizal matapos na dalawang magkasunod na araw nang mabalot ng tensyon.
Simula pa Lunes ng umaga nang pumila ang mga residente sa Barangay San Jose at San Isidro at karamihan sa mga residente ay inabot na ng pila hanggang kagabi pero wala pa ring natanggap na ayuda.
Lunes ng maghapon, sumailalim sa proseso ng pag-fill up ng SAP form ang mga residente sa Barangay San Jose.
Araw ng Martes sinabihan sila ng mga lokal na opisyal na nangangasiwa sa cash disbursement na maari nang magkaroon ng payout, kaya muli silang nagtiyaga na pumila sa ilalim ng init ng araw hanggang sa ulanin na kahapon ng hapon.
Pero ang maghapon nilang pagpila araw ng Martes ay nauwi lang sa sa verification at interview.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, wala pa sa mismong lugar na pinagdarausan ng payout ang cash na ipapamahagi kaya pinauwi din ang mga residente kagabi.
Sa isang bahagi naman ng Kasiglahan Village sa naturang barangay partikular sa Phase 1-E ay may ilan nang nakatanggap kagabi ng payout matapos ang dalawang araw nang pagpila.
Ngayong araw, target ng mga lokal na opisyal na matapos na ang payout lalo at umiinit na rin ang ulo ng mga residenteng maghapon na pumipila kaya nauuwi na sa tensyon ang sitwasyon.
May 10, 2020 pa natapos ang deadline ng DILG sa mga lokal na pamahalaan para tapusin ang pamamamahagi ng cash subsidy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.