Labingapat na araw tatagal ang ipatutupad na “special concern lockdown” sa bahagi ng mga Barangay Bahay Toro, Culiat, Sauyo, Batasan Hills at Tatalon.
Ito ay dahil sa mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga nasabing lugar.
Sakop ng “special concern lockdown” ang mga sumusunod na lugar:
• Sitio Militar sa Brgy. Bahay Toro
• Vargas Compound-Adelfa Metro Heights-Abanay at Ancop Canada sa Brgy. Culiat
• Lower Gulod sa Brgy. Sauyo
• 318 Dakila St., 2nd Alley Kalayaan B at Masbate St. sa Brgy. Batasan Hills
• Victory Avenue, ROTC Hunters, BMA Avenue at Agno St. sa Brgy. Tatalon
Ayon kay Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, pinili ng City Health Department (CHD) ang mga lugar base sa resulta ng isinagawang community-based testing sa pamamagitan ng Epidemiology and Surveillance Unit (ESU).
Sa halip na magpatupad ng total lockdown sa buong barangay, pagtutuunan aniya ng pansin ang mga partikular na lugar sa loob ng barangay na may clustering ng mga kaso ng COVID-19.
Tiniyak naman nito na magbibigay ang QC LGU ng pagkain at iba pang tulong sa mga residenteng maaapektuhan.
Samantala, sinabi naman ni QC-ESU head Dr. Rolly Cruz na magsasagawa ng intensified testing at monitoring sa mga lugar para matiyak na maging COVID-free pagkatapos ng 14-day quarantine period.
Makikipagtulungan ang quarantine officers ng QC Laban COVID-19 team sa QC-ESU upang masiguro ang mahigpit na pagpapatupad ng quarantine rules.