Bagyong Ambo, lumakas pa at isa nang Tropical Storm – PAGASA

Lumakas pa ang Bagyong Ambo at isa nang ganap na Tropical Storm, ayon sa PAGASA.

Batay sa severe weather bulletin bandang 11:00, Martes ng gabi (May 11), huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 455 kilometers East Northeast ng Surigao City, Surigao del Norte o 400 kilometers Silangang bahagi ng Guiuan, Eastern Samar dakong 10:00 ng gabi.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.

Tinatahak nito ang direksyong pa-Hilaga sa bilis sa 20 kilometers per hour.

Ayon pa sa PAGASA, magdudulot ang trough ng Tropical Storm Ambo ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Mindanao at Eastern Visayas sa susunod na 24 oras.

Sinabi ng PAGASA na posibleng itaas ang Signal No. 1 sa Eastern Samar at Silangang bahagi ng Northern Samar sa susunod na anim hanggang 12 oras.

Kahit wala pang itinataas na Tropical Cyclone Wind Signal, inabisuhan ng weather bureau ang mga residente sa mga nabanggit na lugar ukol sa precautionary measures, makipag-ugnayan sa local disaster risk reduction and management offices, at patuloy na mag-antabay ng weather updates.

Ang Tropical Storm Ambo ay may international name na “VONGFONG.”

Read more...