Sa weather forecast, sinabi ni PAGASA weather specialist Loriedin De La Cruz na huling namataan ang bagyo sa layong 410 kilometers Silangang bahagi ng Surigao City, Surigao del Norte bandang 3:00 ng hapon.
Ibig sabihin, sinabi ni De La Cruz na ang sentro ng bagyo ay nasa karagatan pa.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Dahil dito, posible pa aniyang lumakas ang Tropical Depression Ambo at maging Tropical Storm bago mag-landfall sa kalupaan ng bansa.
Sinabi rin ni De La Cruz na maaaring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Eastern Visayas sa Martes ng gabi (May 12).
Sa susunod na 24 oras, patuloy na magdudulot ang trough ng bagyo ng kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang pag-ulan na kung minsan ay mabigay na buhos na ulan sa kasagsagan ng thunderstorms sa Mindanao at Eastern Visayas.