5 miyembro ng British indie band, patay sa car accident sa Sweden
Patay ang apat na miyembro ng British indie band na “Viola Beach” at ang kanilang manager sa isang malagim na car accident sa Sweden.
Nasa Sweden ang banda para sa kanilang kauna-unahang international gig, ngunit nagtapos ito sa aksidente.
Ayon sa mga pulis, bumangga ang kanilang sasakyan sa isang barrier at tumilapon mula sa isang canal bridge, pababa sa tubig.
Hinihinalang mabilis ang takbo ng sasakyan ng banda dahil dumire-diretso ito sa tulay kahit hindi pa ito tuluyang naibababa matapos itong itaas para magbigay daan sa isang vessel na dumaan sa ilalim nito.
Ayon pa sa isang testigo, lahat ng mga sasakyan ay nakatigil para hintayin ang signal na maari na silang dumaan sa tulay, ngunit isang sasakyan ang humarurot ng nasa 70 hanggang 80 kph.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng pulis na si Towe Hagg, na maayos namang gumagana ang mga signal lights at barriers nang mangyari ang aksidente.
Mabilis na kumalat sa social media ang balita, at agad na nagpahatid ng pakikiramay ang mga kapwa nilang mga banda, pati na ang organizers ng dinaluhan nilang “Where’s the Music” festival sa Sweden noong Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.