Mga opisyal ng NTC pinagpapaliwanag ng Kamara sa pagpapsara sa ABS-CBN
Pinagpapaliwanag ng House Committee on Legislative Franchises ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) kung bakit hindi dapat i-cite for contempt kasunod nang pagpapalabas ng cease and desist order laban sa ABS-CBN.
72 oras ang ibinigay ng komite para magpaliwanag sina NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Deles, at Atty Ella Blanca Lopez ang Head ng Legal Branch.
Ayon sa komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez, Marso 10, 2020 nang magsabi ang NTC na papayagan nila ang ABS-CBN na maipagpatuloy ang kanilang operasyon hanggang sa makabuo na ng desisyon ang Kongreso sa pending na franchise renewal application ng kompanya.
Tinukoy ng komite na mayroon nang mga pagkakataon na pinahintulutan ng NTC na makapag-operate ang ilang broadcast companies habang nakabinbin pa sa kongreso ang kanilang prangkisa.
Bukod dito, malinaw din aniya ang legal opinion na inilabas ng Department of Justice at direktiba mula sa Kamara na dapat payagan muna ng NTC ang ABS-CBN na makapag-operate pa rin habang pending pa ang desisyon ng Kongreso sa franchise renewal bills.
Sa oras na hindi tatalima sa kautusan ang mga pinagpapaliwanag na opisyal ng NTC, nagbabala ang komite na ipapa-contempt ang mga ito salig sa kapangyarihan na mayroon ang Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.