Mga lugar sa Metro Manila na may mataas na kaso ng COVID-19 malabong maisailalim sa GCQ

Photo grab from PCOO Facebook video

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na malabong maisaialim sa General Community Quarantine (GCQ) ang mga barangay sa Metro Manila na may mataas na kaso ng coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, mismong si Interior Secretary Eduardo Año na ang nagsabi na magiging surgical o piling lugar ang pgdedeklara ng GCQ.

Gradual o paunti unti rin ang desisyon ng pamahalaan na ilagay sa GCQ ang mga lugar na kasalukuyan pang nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

“So, hindi po totoo na lahat ng lugar sa Metro Manila ay mag-G-GCQ na at hindi naman totoo na ang buong Metro Manila ay mananatili sa ECQ. Antayin na lang po natin, hanggang Lunes po iyan, dahil inaasahan natin na magkakaroon ng espesyal na meeting po ang IATF sa Lunes ng umaga dahil inaasahan natin na sa hapon ay isusumite na nila kay Presidente ang kanilang rekomendasyon kung ano ang dapat mangyari doon sa mga lugar na nananatili po sa ECQ hanggang ngayon,” ayon kay Roque.

Kasabay nito, umaapela ang Palasyo sa publiko na iwasan na ang pagpapakalat ng fake news na palalawigin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ECQ.

Ayon kay Roque may espesyal na pagupulong ngayong araw ang Inter-Agency Task Force (IATF) at pagdedesisyunan pa ng pangulo kung palalawigin o hindi ang ECQ.

Kapag hindi aniya nanggaling sa kanyang tanggapan ang impormasyon, tiyak na peke ang naturang balita.

 

 

 

 

 

Read more...