ECQ sa NCR: Sobra na, Tama na, Alisin na! – sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE J. MADERAZO
Dalawang isyu ang binabalanse ng gobyerno, kalusugan ng mamamayan at ang ekonomya.
Nakamamatay ang COVID-19, at kabuuang 957 na ang nasasawi nating kababayan, 704 dito at 253 sa abroad. May mga pagtatalo sa “flattening of the curve” at babala pa rin sa “second wave” ng naturang virus habang wala pa ring “vaccine”. Nakaiwas daw tayo sa nangyari sa Italy, Spain, US, Iran at iba pa.
Pero, ang ating ekonomya ay lumagapak sa 0.2 percent GDP sa unang tatlong buwan. Isang “economic collapse” na tuloy hanggang Setyembre at maging “recession”. Higit 25 milyong mamamayan ang biglang nawalan ng trabaho dito at sa abroad, kabilang ang nagsi-uwing sea-based at land-based workers. Ganoon din tumigil bigla ang mga negosyo at industriya.
Umaabot na sa P2-trillion ang “economic loss” at ang masakit halos bankrupt ngayon ang gobyerno. Nauubusan sila ng pera para “cash doleout” sa 23M na mahihirap na Pilipino. Nangungutang tayo ng P1.45-B pero pang-isang buwan lang . Hindi pwedeng asahan ng gobyerno ang tax collection dahil patay ngayon ang lahat ng negosyo.
Habang sa mga lockdown areas sa Metro Manila , Luzon at iba pang lugar, laganap ngayon ang kagutuman, malnutrisyon, kahirapan at kawalang trabaho ng bawat pamilyang Pilipino.
Sa buong mundo ang Pilipinas ang may pinakamatinding COVID-19 lockdown na 50.83% sa “average decline in public mobility”, ayon sa sa Nikkei Asian Review. Sumunod ang India 47.83%, Thailand 31.66%, Vietnam 29.5%, Japan 13.83%, South Korea 11% at Taiwan 2.1 %.
Lumilitaw na hindi 100 percent epektibo ang lockdown ng Pilipinas at India, dahil patuloy ang pagtaas, bagamat bumagal ang kanilang “confirmed cases.” Mas maganda ang nangyari sa Thailand, Vietnam, Taiwan at South Korea, kung saan walang “total lockdown” at hindi pinatay ang kanilang ekonomya.
Matatandaang “tinakot” tayo ng mga “scientists”na posibleng umabot ng 70,000 hanggang 200,000 ang mamamatay na Pilipino sa WHO computer models kundi aaksyon ang Duterte administration. Nagkabiglaan talaga dahil hindi natin kilala ang COVID-19 . Walang sapat na hospital facilities, COVID ICU, personal protective equipment (PPE) ng mga health workers at walang quarantine facilities ang mga LGU at national government.
Kaya naman,rumesponde si Pres. DUTERTE at pinatay bigla ang ekonomya. Pero matapos ang dalawang buwan , tila mas maraming mamamatay sa gutom kung hindi naman bubuhayin muli ang ekonomya.
At mas handa na tayong lahat ngayon bata o matanda. Nakatikim tayo ng “hard lockdowns” at alam na kung paano iiwasan ito. “Personal hygiene, social distancing, at “total awareness” ng taumbayan ang susi para makontrol ang pagkalat ng virus na ito.
Banggitin ko iyong Sweden kung saan sinabi ng mga “WHO computer models” na 35,000 katao ang mamamatay pero ngayon, ay 3,220 lamang. Hindi sila naglockdown, bukas ang mga restoran, tindahan at mga negosyo. Sinabihan ang mga matatanda at maysakit na mamamayan na mag-isolate. Ngayon , nag-iingat sila pero normal ang kanilang buhay at ekonomya.
Sa totoo lang, pinakinggan natin ang mga scientists at DOH sa COVID-19. Ngayon naman, ekonomya ang asikasuhin natin. Wag nang hintaying mas maraming mamatay sa gutom. Alisin na ang ECQ sa Metro Manila sa lalong madaling panahon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.