Remdesivir gagamitin na ng Japan kontra COVID-19
Inaprubahan na sa bansang Japan ang paggamit ng anti-viral drug na Remdesivir bilang gamot sa mga pasyente na tinamaan ng coronavirus disease o COVID-19.
Ang Japan ang ikalawang bansa na gagamit ng anti-viral drug kontra COVID-19 matapos itong mabigyan ng temporary permit ng US Food and Drug Administration noong Biyernes (May 1).
Ayon sa opisyal ng Health, Labor and Welfare Ministry, gagamitin lamang ang gamot sa exceptional measures tulad ng mga pasyente na may malalalang kaso tulad ng mga gumamit na ng ventilators.
Base sa clinical trials ng US National Institutes of Health napatunayang may epekto ang Remdesivir sa bagong coronavirus tulad ng mas mabilis na pag-recover ng mga COVID-19 positive patients na may pneumonia.
Ang Remdesivir ang kauna-unahang gamot sa Japan kontra COVID-19.
Ginawa ang anti-viral drug ng Gilead Sciences isang pharmaceutical company sa Amerika kontra ebola.
Samantala, tinitingnan din ng Japan ang posibleng pag-apruba sa paggamit ng gamot na Avigan bilang kontra COVID-19.
Ang Avigan na may generic name na Favipiravir ay ginawa ng Fujifilm Toyama Chemical isang Japanese firm.
Ayon kay Yoshihide Suga, top government spokesman ng Japan, target maaprubahan ang paggamit ng avigan kontra COVID-19 kapag naging maganda ang resulta ng clinical trial sa 100 pasyente.
Naaprubahan ang gamot noong 2014 kontra sa flu outbreaks na hindi nagagamot ng existing medications at ang manufacturing at distribution nito ay possible lamang kapag nag-request ang Japanese government.
Pinipigilan ng Avigan ang pagdami ng virus sa loob ng cell ngunit hindi ito maaring ibigay sa mga buntis dahil may posibilidad na maapektuhan nito ang fetal development ng sanggol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.