Target ng economic cluster ng House Defeat COVID-19 Committee na maaprubahan sa susunod na linggo ang economic stimulus plan para sa muling pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas sa epekto ng coronavirus disease o COVID-19 crisis.
Ito ay kasunod ng pagbulusok sa 0.2 percent ang gross domestic product (GDP) growth rate ng bansa sa unang tatlong buwan ng taon.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, mahalaga ang pagkakaroon ng economic recovery plan.
Sa ngayon, isinasapinal na aniya ng economic cluster ng House Defeat COVID-19 Committee ang consolidated version ng P485-billion Philippine Stimulus Act (PESA).
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa economic managers para sa posibilidad na mapadali ang pag-apruba ng sa isinusulong nilang panukala.
Nauna nang sinabi ni House Committee on Economic Affairs chairperson Sharon Garin na nasa 30 million manggagawa ang maaring mawalan ng trabaho kapag hindi magkakaroon ng economic stimulus interventions ang pamahalaan.
Aabot sa P18 billion ang nawawala sa kita ng bansa sa kada araw ng lockdown, ayon naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo.